Nagbigay ng karangalan sa Mindanao at Bangsamoro Region ang ilang graduates mula sa iba’t ibang unibersidad at kolehiyo matapos makapasok sa Top 10 ng March 2026 Licensure Examination for Professional Teachers o LEPT, ayon sa resulta na inilabas kahapon ng Professional Regulation Commission.

Sa Secondary Level, nanguna si Jasmine Datu Imam Alimosa ng Mindanao State University – Marawi City matapos pumuwesto sa Top 3 na may rating na 94.60 percent.

Sumunod naman sa Top 5 sina Nahida Guro Ansari ng MSU-Marawi City, gayundin sina Sittiehaina Sarip Lauban at Bai Pamelah Pinguiaman Mayasa ng MSU-Maguindanao, na pawang nagtala ng 94.20 percent rating.

Napasama rin sa Top 9 si Eidreff Pangunotan Mendoza ng MSU-Marawi City na may 93.40 percent, habang nasa Top 10 naman si Mary Grace Estaca Arellano ng Cotabato State University na may 93.20 percent na marka.

Samantala, sa Elementary Level, kabilang sa Top 5 sina Fathea Nadine Omar Mahail ng MSU-Tawi-Tawi at Salha Samod Sameon ng Regional Madrasah Graduate Academy na parehong may 93.80 percent rating.

Pumuwesto naman sa Top 8 sina Suhad Abdul Abdulgani ng Cotabato State University at Sittie Jainah Macaombang Disumimba ng MSU-Marawi City na parehong may 93.20 percent.

Kabilang din sa Top 10 sina Nulmijan Amilon Timbosol ng Mindanao Autonomous College Foundation Inc., Halimah Daud Barauntong ng Philippine Muslim Teacher’s College, Yahya Gomogao Domaub ng MSU-Marawi City, at Ashria Abdul Sedik ng Illana Bay Integrated Computer College Inc.

Batay sa tala ng PRC at Board for Professional Teachers, umabot sa 18,376 elementary teachers mula sa mahigit 32,000 examinees at 45,001 secondary teachers mula sa mahigit 61,000 examinees ang matagumpay na nakapasa sa LEPT na isinagawa noong March 15, 2026 sa 41 testing centers sa buong bansa.

Itinuturing naman itong malaking tagumpay para sa mga institusyong pang-edukasyon sa Mindanao at BARMM, kasabay ng pagkilala sa husay at dedikasyon ng mga bagong lisensyadong guro mula sa rehiyon.