Matagumpay na isinagawa ng 6th Infantry Division o 6ID ang “Unifier Dream Builder: 1st Batch Youth Educational Tour 2026” bilang bahagi ng pagsusulong ng kapayapaan, edukasyon, at kamalayang sibiko sa hanay ng mga kabataan sa Maguindanao del Sur.
Dinaluhan ang aktibidad ng 50 kabataan mula sa Barangay Kamasi, Ampatuan, na binigyan ng pagkakataong makabisita sa 6ID Peace Museum at 6th Division Training School upang mas mapalawak ang kanilang kaalaman hinggil sa kasaysayan, seguridad, at papel ng militar sa pagpapanatili ng kapayapaan sa rehiyon.
Nasaksihan din ng mga kalahok ang iba’t ibang military demonstrations kabilang ang static display at obstacle presentation na layong ipakilala ang kahandaan at kakayahan ng mga kasundaluhan.
Kasabay nito, nagsagawa rin ng orientation on emergency response ang Bangsamoro READi upang maturuan ang mga kabataan sa tamang paghahanda at pagtugon sa oras ng sakuna at emergency situations.
Ayon kay 601st Brigade Commander BGen. Edgar Catu, layunin ng programa na hikayatin ang mga kabataan na mangarap at magkaroon ng positibong pananaw sa kanilang kinabukasan.
Aniya, nabuo ang ideya ng youth educational tour matapos niyang makasalamuha ang ilang kabataang nagpahayag ng kagustuhang maging sundalo balang araw.
Samantala, binigyang-diin naman ni 6ID at Joint Task Force Central Commander MGen. Jose Vladimir Cagara ang kahalagahan ng tuloy-tuloy na mga programa para sa kabataan upang hindi sila malinlang o mahikayat ng mga grupong may maling ideolohiya.
Nagpasalamat din ang militar sa iba’t ibang partner organizations at stakeholders na tumulong sa matagumpay na pagsasagawa ng aktibidad, kabilang ang pamamahagi ng school supplies, libreng sakay, at pagkain para sa mga kalahok.

















