Kinumpirma ni Barangay Captain Regina Ayunan ng Poblacion 4 na pawang mga tanod ng kanilang barangay ang tatlong indibidwal na nasangkot sa pamamaril na naganap kagabi, araw ng Miyerkules, Hunyo 18 sa Doña Pilar Street.
Ayon sa Kapitana, matagal nang nakakatanggap ng pagbabanta sa buhay ang mga biktima. Dagdag pa niya, may natatanggap silang ulat tungkol sa mga kahina-hinalang lalaki na madalas umanong magpabalik-balik sa lugar at may dalang mga baril.
Gayunpaman, tiniyak ni Ayunan na nananatiling alerto ang kanilang barangay at patuloy ang koordinasyon nila sa mga security forces ng lungsod upang masiguro ang kapayapaan at kaligtasan sa komunidad.
Batay sa ulat ng pulisya, alas-7:50 ng gabi nang maganap ang pamamaril. Sugatan sa insidente sina Abdulhaq Umal, 41, isang safety officer mula Dubai; at Niño Limare Galimba, 46, isang pintor sa Ministry of Public Works. Pareho silang residente ng Doña Pilar Street.
Nabaril ang dalawa habang nakatayo sa lugar. Sa agarang pagresponde ng mga miyembro ng Philippine Marines at Cotabato City Police, nagkaroon ng palitan ng putok sa pagitan ng mga suspek at mga awtoridad.
Patay sa engkwentro ang isa sa mga suspek na hindi pa nakikilala habang sugatan at naaresto naman si Homidie Saptula Salipudin, 24, residente ng Ampatuan, Maguindanao del Sur.
Narekober mula sa mga suspek ang dalawang baril na kalibre .45, mga magazine, cartridges, isang motorsiklo, at cellphone. Inaalam pa ng mga imbestigador ang motibo ng krimen ngunit lumalabas sa inisyal na ulat na personal na alitan ang posibleng dahilan.
Patuloy ang imbestigasyon sa insidente.