Nanawagan ang mga grupo ng ulama mula sa loob at labas ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM na panatilihin ang pagkakaisa at huwag hayaang manaig ang pulitika na maaaring makasira sa matagal na pinaghirapang pagkakabuklod ng mamamayang Bangsamoro.
Sa kanilang opisyal na pahayag na inilabas kasunod ng idinaos na Bangsamoro Ulama Summit sa Cotabato City, iginiit ng mga lider-relihiyoso ang kahalagahan ng pagpapanatili ng kapayapaan, katatagan, at pagkakaisa sa rehiyon sa gitna ng mga hamon at pagbabago sa pamunuan ng Bangsamoro Government.
Binigyang-diin din ng mga ulama ang kahalagahan ng patuloy na pagsunod sa mga kasunduang pangkapayapaan na naging pundasyon ng pagtatatag ng BARMM. Hinimok nila ang publiko na iwasan ang anumang hakbang na maaaring magdulot ng hidwaan at pagkakawatak-watak sa komunidad.
Nagbabala rin ang grupo laban sa paglaganap ng maling impormasyon sa social media na maaaring magdulot ng fitna o alitan, kalituhan, at kaguluhan sa lipunan. Ayon sa kanila, mahalagang maging mapanuri ang publiko at huwag basta magpalinlang sa mga impormasyong walang sapat na batayan.
Sa huli, nanawagan ang mga ulama sa mga lider ng Bangsamoro na ibatay ang kanilang pamumuno sa mga aral ng Banal na Qur’an at Sunnah sa halip na unahin ang pansariling interes. Anila, sa pamamagitan ng karunungan, katarungan, at tunay na pagkakaisa, mas malalampasan ng Bangsamoro ang kasalukuyang mga hamon at mapapanatili ang kapayapaang matagal na ipinaglaban.

















