Inilarawan ni Moro Islamic Liberation Front (MILF) Vice Chairman at dating Minister ng Ministry of Basic, Higher and Technical Education (MBHTE) Mohagher Iqbal bilang isang biyaya sa halip na isang dagok ang kanyang pagkakatanggal sa puwesto.
Sa isang pahayag, sinabi ni Iqbal na sa kabila ng nangyari ay nananatili ang kanyang pananalig sa kalooban ng Allah at sa aral ng Quran na may kaakibat na kaginhawahan ang bawat pagsubok na pinagdaraanan ng tao.
Ayon kay Iqbal, hindi niya umano dinamdam ang kanyang pagkakatanggal sa MBHTE. Sa halip, aniya, nakaramdam siya ng ginhawa matapos umalis sa isang sitwasyong kanyang inilarawan na puno ng mga akusasyon at paghuhusga bago pa man umano dumaan sa tamang proseso.
Nagpahayag din siya ng pagkabahala sa umano’y hindi pantay na pagpapatupad ng kampanya laban sa katiwalian. Binigyang-diin nito na mahalagang pairalin ang pagiging makatarungan at tiyaking nabibigyan ng pagkakataon ang bawat isa na maipagtanggol ang kanilang sarili bago husgahan.
Iginiit pa ni Iqbal na sa Bangsamoro ay mabilis na nalalaman ng publiko ang mga pangyayari, at sa paglipas ng panahon ay kusang lilitaw ang katotohanan.
Sa huli, ipinahayag ng dating MBHTE minister ang kanyang paniniwala na ang katotohanan ay mananaig at ang nararapat na paghatol ay darating sa tamang panahon, sa ilalim ng katarungan at kalooban ng Allah.

















