Umabot na sa P411 kada araw ang minimum wage para sa mga manggagawa sa pribadong sektor sa Cotabato City matapos pirmahan ngayong araw, Hunyo 26, ang Minimum Wage Order No. BARMM-04 ng Bangsamoro Tripartite Wages and Productivity Board (BTWPB).

Nakasaad sa bagong wage order ang dagdag na P50 sa arawang sahod ng mga manggagawa sa BARMM, na layuning mapabuti ang kabuhayan at karapatan ng mga manggagawang Bangsamoro.

Pinangunahan ang ceremonial signing sa Cotabato City ng Bangsamoro Chief Minister Abdulraof Macacua, kasama sina Minister Muslimin Sema ng Ministry of Labor and Employment (MOLE), Minister Abuamri Taddik ng Ministry of Trade, Investments, and Tourism (MTIT), at mga kinatawan mula sa manggagawa at sektor ng negosyo na sina Datu Haron Bandila, Jonathan Acosta, at Norlyn Odin.

Ang hakbang na ito ay bahagi ng patuloy na pagtutulak ng interim government ng BARMM para sa mas makatarungan at makataong sahod para sa mga manggagawa sa rehiyon.