Hindi pa man nagiinit ang upuan nito sa Bangsamoro Parliament, agad nang tinrabaho ni Cotabato City Third District Parliament Representative MP Elect Dr. Tomanda Antok ang mga ipinangako nito na reporma sa sektor ng kabuhayan, kapayapaan, edukasyon at seguridad ngayong naihalal ito ng 9, 223 na mga Cotabateño nitong nagdaang halalan.

Sa kabila ng mga nagdaang kontrobersiya at mga karahasan na naganap sa halalan, pinanatili pa rin ang pagiging kalmado at pinanindigan ni MP Elect Antok at ng kampo nito ang sinabi nito na wag nang patulan ang mga nangugulo sa halalan.

Tuloy tuloy din aniya sa konsultasyon sa mamamayan ang kanyang tanggapan upang maging batayan ito sa paggawa ng mga makabuluhang batas at panukala sa pagpasok ng bagong parliamento.

Ayon kay MP Doc Antok, tuloy tuloy na ang di natutulog na serbisyo sa bawat Bangsamoro matapos na maging ganap na ang pagupo ng unang parliamento sa Oktubre 30.

Plano din nito na magsulong ng mga programa sa pangkalahatan maging sa distrito at ilapit sa bawat Bangsamoro ang kanilang inihalal na liderato at gobyerno.

Hinimok din nito ang bawat Bangsamoro na magkaisa at maging mapagbantay sa pagbuo ng bagong Gobyerno ng Bangsamoro at itigil na ang bangayang pulitikal.

Sa huli, inihayag ng mambabatas at tanyag na edukador ang kagalakan sa naging resulta ng halalan na pumabor sa kanya sa distrito ng siyudad at sa buong BFP sa rehiyon.