Pinabulaanan ni MP Tawakal B. Midtimbang ang kumakalat na impormasyon sa social media na iniiwan na niya ang United Bangsamoro Justice Party o UBJP.
Sa kanyang official statement ngayong Biyernes Oktubre 2, iginiit ni Midtimbang na nananatili ang kanyang commitment sa UBJP, mga prinsipyo nito at sa Bangsamoro cause.
Binigyang-diin niya ang naging papel ng kanyang ama, dating Member of Parliament Datu Midpantao M. Midtimbang Sr., sa Bangsamoro struggle at peace negotiations na humantong sa Framework Agreement on the Bangsamoro, Comprehensive Agreement on the Bangsamoro at Bangsamoro Organic Law.
Nanawagan din si Midtimbang sa publiko na huwag hayaang maging sanhi ng pagkakahati ang political differences at mga usapin sa social media, at hinimok ang lahat na beripikahin muna ang impormasyon bago ito tanggapin o ibahagi.
Kasunod ng unang Bangsamoro Parliamentary Election, sinabi niyang panahon na para magtulungan ang mga nahalal na kinatawan sa paghahanda sa First Regular Bangsamoro Parliament na magsisimula sa Oktubre 30.
Binigyang-diin din ni Midtimbang ang kahalagahan ng diyalogo, respeto at paglalagay sa kapakanan ng Bangsamoro higit sa personal at political interests.
Samantala, nagpahayag siya ng paggalang kina Ameerul Mujahideen Chairman Al-Hajj Murad Ebrahim, Vice Chairman MP Mohagher Iqbal at Chief Minister Abdulraof “Sammy Gambar” A. Macacua.
Muli niyang iginiit na nananatili ang kanyang commitment sa UBJP, kapayapaan at paglilingkod sa Bangsamoro.

















