Bilang paghahanda sa nalalapit na unang Bangsamoro Parliamentary Elections, inilunsad ng Ministry of Public Order and Safety (MPOS-BARMM) ang Public Safety Election Awareness Campaign Series na naglalayong palakasin ang kaalaman ng publiko hinggil sa ligtas, mapayapa, at responsableng pakikilahok sa halalan.

Ayon sa MPOS-BARMM, bahagi ng kampanya ang pagbibigay ng mahahalagang impormasyon sa mga mamamayan tungkol sa kanilang mga karapatan bilang botante, mga ipinagbabawal na gawain sa panahon ng halalan, at wastong asal na makatutulong sa pagpapanatili ng kapayapaan, kaligtasan, at kaayusan sa mga komunidad sa buong Bangsamoro.

Binigyang-diin din ng ahensya na may malaking papel ang bawat mamamayan sa pagtataguyod ng mapayapang halalan. Anila, ang bawat mensaheng ibinabahagi sa publiko—maging sa mga campaign activities, social media, at iba pang online platforms—ay maaaring magkaroon ng epekto sa kapayapaan at kaayusan sa komunidad.

Dahil dito, hinikayat ng MPOS-BARMM ang publiko na maging responsable sa pagpapakalat ng impormasyon, iwasan ang mga mapanirang pahayag at maling impormasyon, at pairalin ang paggalang sa magkakaibang pananaw upang mapanatili ang maayos at mapayapang electoral process.

Umaasa ang MPOS-BARMM na sa pamamagitan ng Public Safety Election Awareness Campaign Series ay higit na mapapalakas ang kamalayan ng publiko at ang kultura ng kapayapaan habang papalapit ang halalan sa Bangsamoro.