Inilarawan ni House prosecution panel spokesperson at Representative Zia Alonto Adiong bilang “rehashed” o paulit-ulit ang mga argumento ng Bise Presidente sa kanyang 51-pahinang sagot na isinumite sa impeachment court.
Sa naturang dokumento, iginiit ni Duterte na walang bisa ang impeachment proceedings dahil umano ito ay isinagawa nang may “bad faith” at may kinikilingan.
Ngunit ayon kay Adiong, ipinapakita lamang nito na wala umanong bagong ebidensya o matibay na depensa ang kampo ng Bise Presidente upang pabulaanan ang mga alegasyong nakasaad sa Articles of Impeachment.
Aniya, mula pa sa simula ay nakatuon na ang depensa ni Duterte sa mga usaping teknikal at konstitusyonal, sa halip na direktang tugunan ang nilalaman ng mga akusasyon.
Sa kanyang sagot, isa-isang sinagot ni Duterte ang apat na Articles of Impeachment, kabilang ang mga alegasyon ng umano’y maling paggamit ng confidential funds at pagkakaroon ng unexplained wealth.
Kaugnay nito, iginiit ng Bise Presidente na hindi siya maaaring panagutin batay lamang sa Notice of Disallowance ng Commission on Audit dahil hindi pa umano pinal ang mga ito.
Binigyang-diin din niya na walang batayan ang alegasyon ng graft and corruption dahil ang inilabas na pondo ay dumaan umano sa rekomendasyon ng Department of Budget and Management at may pag-apruba ng Malacañang.
Itinanggi rin ni Duterte ang paratang na nagsuhol siya ng mga opisyal ng Department of Education, at sinabing walang ebidensyang mag-uugnay sa kanya sa umano’y ipinamahaging pera.
Samantala, kaugnay ng ikaapat na Article of Impeachment na tumutukoy sa umano’y grave threats laban kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez, iginiit ni Duterte na saklaw ng kanyang karapatan sa malayang pagpapahayag ang kanyang naging pahayag.
Ayon sa Bise Presidente, sinasagot lamang niya ang tanong ng isang mamamahayag tungkol sa tinawag na “Operation Romanov” at wala siyang intensyong magbanta o manakit.
Subalit nanindigan si Adiong na hindi absolute ang freedom of expression at iginiit na ang naging pahayag ng Bise Presidente ay maituturing umanong direktang pagbabanta sa Pangulo, batay sa mga naitalang video na naipalabas sa telebisyon.

















