Patay ang isang lalaking magsasaka matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang suspek sa Sitio Tupak, Barangay Bulit, Datu Montawal, Maguindanao del Sur, nitong Lunes ng umaga, Agosto 17.

Kinilala ang biktima sa alyas na “Darwin,” nasa hustong gulang, may asawa at residente ng Kabacan, Cotabato.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon ng Datu Montawal Municipal Police Station, nagtitinda ng hot malunggay pandesal ang biktima nang lapitan ito ng suspek na nagpanggap umanong mamimili.

Habang inaasikaso ng biktima ang naturang customer, bigla umanong bumunot ng baril ang suspek at ilang beses siyang pinaputukan, kabilang ang tama sa ulo.

Matapos ang pamamaril, mabilis na tumakas ang suspek patungo sa hindi pa matukoy na direksyon.

Agad isinugod ng mga rumespondeng pulis ang biktima sa USM Hospital sa Kabacan, North Cotabato, ngunit idineklarang patay matapos ang insidente.

Dalawang basyo ng bala na hindi pa matukoy ang kalibre ang narekober ng mga awtoridad sa crime scene.

Nagsagawa naman ng hot pursuit operation ang Datu Montawal MPS kasama ang 4th MP 2nd PMFC at nakipag-ugnayan sa mga karatig na bayan para sa posibleng pagkakakilanlan at pag-aresto sa suspek.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang pagkakakilanlan ng salarin at motibo sa pamamaril.