Nagsagawa ng mapayapang kilos-protesta ang grupong AMANA-BARMM sa harap ng Korte Suprema sa Maynila nitong Miyerkules, Hulyo 1, upang hilingin ang agarang pag-aksyon sa mga nakabinbing kaso na may kaugnayan sa districting sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Sa pangunguna nina AMANA-BARMM Convenor Alim Saad Amate at Maulana Mamutuk, nanawagan ang grupo sa Kataas-taasang Hukuman na magpalabas ng Temporary Restraining Order (TRO) habang dinidinig ang mga petisyon, bago ang nakatakdang kauna-unahang parliamentary elections sa BARMM sa Setyembre 2026.
Ayon sa AMANA-BARMM, mahalagang malinawan muna ang mga legal na isyu kaugnay ng districting upang matiyak na magiging patas, malaya, at kapani-paniwala ang gaganaping halalan sa rehiyon.
Iginiit din ng grupo na ang mga nakabinbing petisyon ay may direktang epekto sa tamang representasyon ng mga botante at sa kredibilidad ng buong electoral process. Dahil dito, hiniling nilang pansamantalang ipatigil ang pagpapatupad ng mga kinukuwestiyong hakbang hanggang sa makapaglabas ng pinal na desisyon ang Korte Suprema.
Binigyang-diin pa ng AMANA-BARMM na ang usapin ay hindi lamang nakatuon sa nalalapit na halalan, kundi may kaugnayan din sa patuloy na pagpapatupad ng Comprehensive Agreement on the Bangsamoro (CAB) at sa pagpapanatili ng kapayapaan at katatagan sa rehiyon.
Personal na nagtungo sa Maynila ang mga miyembro ng organisasyon upang ihatid ang kanilang panawagan sa Korte Suprema. Umaasa silang agad na mareresolba ang mga legal na usapin upang maging maayos, malinis, at mapayapa ang kauna-unahang parliamentary elections sa Bangsamoro.

















