Magtutulungan ang National at Bangsamoro Governments sa pagtugon sa mga learning gaps at iba pang problema sa edukasyon sa BARMM sa pamamagitan ng bagong Bangsamoro Education and Coordination Forum o BECF.
Pangungunahan ng Ministry of Basic, Higher and Technical Education o MBHTE at Second Congressional Commission on Education o EDCOM 2 ang forum na nakatakdang ilunsad sa susunod na buwan.
Layunin ng BECF na maging regular na lugar para sa pagtalakay at pagtutugma ng mga polisiya, programa at iba pang usapin sa edukasyon na nakaaapekto sa mga mag-aaral sa Bangsamoro.
Inihanda ang naturang forum matapos ang technical preparatory workshop na isinagawa ng EDCOM 2 at UNICEF Philippines kamakailan sa Maynila noong Setyembre 3 at 4.
Ayon kay DepEd Assistant Secretary for Governance and Operations Roger Masapol, makatutulong ang BECF upang magkaroon ng iisang paraan ang dalawang pamahalaan sa pagtugon sa mga hamon sa edukasyon sa rehiyon.
Samantala, sinabi ni EDCOM 2 Executive Director Karol Mark Yee na dalawang taon nang isinusulong ang pagtatatag ng mekanismo para mapalakas ang ugnayan ng National at Bangsamoro Governments sa usapin ng edukasyon.
Sa pamamagitan ng BECF, inaasahang magkatuwang na magpaplano ng mga programa, magtatakda ng prayoridad, magmomonitor ng implementasyon at tutugon sa mga isyung nakaaapekto sa edukasyon sa BARMM.
Itinatag ang BECF sa pamamagitan ng memorandum of agreement na nilagdaan noong Hulyo 28, 2026 ng DepEd, CHED, TESDA, PRC at MBHTE.

















