Screenshot

Agarang naaresto ng mga operatiba ng Datu Montawal Municipal Police Station ang isang suspek sa kasong pagnanakaw matapos ang mabilis na responde ng kapulisan noong Mayo 11, 2026 sa Brgy. Pagagawan.

Kinilala ang suspek na si Abdul, na umano’y iligal na pumasok sa tahanan ni Jomana at tinangay ang isang iPhone 11 na nagkakahalaga ng P33,000 at isang Samsung Galaxy Tablet na may halagang P39,000.

Batay sa ulat, agad na nakilala ng biktima ang suspek at humingi ng tulong sa mga nagpapatrolyang pulis sa kahabaan ng National Highway. Dahil dito, mabilis na nagsagawa ng hot pursuit operation ang mga awtoridad na nagresulta sa agarang pagkakadakip ng suspek.

Kasalukuyang nakadetine si Abdul habang inihahanda ang kasong paglabag sa Article 308 ng Revised Penal Code o Theft laban sa kanya.

Ayon sa Maguindanao del Sur Police Provincial Office, ipinapakita ng matagumpay na operasyong ito ang matibay na pangako ng Philippine National Police sa pagpapanatili ng kaayusan, mabilis na pagtugon sa insidente, at proteksyon sa komunidad.

Dagdag pa ng pulisya, ang patuloy na presensya ng mga pulis sa mga komunidad at maagap na aksyon laban sa krimen ay mahalaga upang mapanatili ang tiwala ng publiko at matiyak na mapapanagot ang mga lumalabag sa batas.