Nagpaalala si Ombudsman Jesus Crispin Remulla sa lahat ng mga opisyal ng pamahalaan na umiwas sa anumang sitwasyong maaaring magdulot ng conflict of interest habang nanunungkulan sa gobyerno.
Ayon sa Ombudsman, nararapat na pumili ang isang opisyal kung magnenegosyo o magsisilbi sa publiko upang maiwasan ang paglabag sa etika at batas.
Inihayag ito ni Remulla kasabay ng isinasagawang imbestigasyon ng kanilang tanggapan sa ilang mambabatas na umano’y sangkot sa mga iregularidad.
Binigyang-diin niya na mahalaga ang pagkakaroon ng delikadesa ng mga pulitiko at ang pag-iwas sa anumang transaksyong may personal na interes habang nasa serbisyo publiko.
Aniya, kung nais ng isang opisyal na magpatuloy sa negosyo, mas mainam na ituon na lamang dito ang pansin kaysa pumasok sa larangan ng pulitika.
Nilinaw rin ng Ombudsman na ang isyu ng mga government officials na nagiging government contractors ay hindi lamang nakikita sa mga party-list representatives.
Sa kasalukuyan, may dalawa umanong mambabatas na iniimbestigahan ng kanilang tanggapan kaugnay ng kasong graft dahil sa umano’y pagmamay-ari o pagkakaroon ng koneksyon sa isang construction company.

















