Mariing tiniyak ni Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla na nagpapatuloy ang Office of the Ombudsman sa pagbuo at pagsusuri ng mga kasong posibleng maisampa laban sa ilang nakaupong senador.

Sa isang pulong-balitaan, sinabi ni Remulla na nananatiling isinasailalim sa masusing imbestigasyon ang reklamong iniuugnay kay Senador Francis “Chiz” Escudero.

Ayon sa Ombudsman, nasa fact-finding stage pa lamang ang kaso at patuloy nilang sinusuri ang mga nakalap na impormasyon at ebidensiya upang matiyak na ang mga ito ay may sapat na batayan bago magsagawa ng anumang legal na hakbang.

Binigyang-diin ni Remulla na hindi lahat ng impormasyong kanilang natatanggap ay agad na maituturing na mapagkakatiwalaan kaya kinakailangan pa itong beripikahin at balidahin.

Ang naturang imbestigasyon ay may kaugnayan sa mga alegasyon ng pagkakasangkot ni Escudero sa umano’y maanomalyang flood control projects na kasalukuyang sinusuri ng Office of the Ombudsman.

Samantala, sinabi rin ni Remulla na nagpapatuloy rin ang paghahanda ng kanilang tanggapan sa kasong iniuugnay kay Senador Joel Villanueva, bagamat wala muna siyang ibinahaging karagdagang detalye habang isinasagawa pa ang proseso ng imbestigasyon.

Iginiit ng Ombudsman na paiiralin ang due process at masusing pagsusuri sa lahat ng reklamong kanilang tinatanggap bago magpasya kung may sapat na batayan upang magsampa ng kaukulang kaso.