Nasamsam ng mga pulis ang humigit-kumulang 18 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P122,400 sa isinagawang buy-bust operation sa Barangay Kayaga, Kabacan, Cotabato kahapon Oktubre 1, 2026.

Arestado sa operasyon ang dalawang lalaki na nakilalang sina alyas “Empoy,” 25-anyos, isang nagtitinda ng kambing at residente ng Poblacion, Kabacan, at alyas “Berting,” 24-anyos, walang trabaho at residente ng Poblacion, Pagalungan, Maguindanao del Sur.

Isinagawa ang operasyon dakong alas-8:30 ng gabi ng mga tauhan ng Kabacan Municipal Police Station, katuwang ang Cotabato Police Provincial Office-Provincial Drug Enforcement Unit, Provincial Intelligence Unit at 2nd Mobile Company ng Cotabato Provincial Mobile Force Company.

Bukod sa apat na sachet ng hinihinalang shabu, nakumpiska rin ang isang .45 caliber 1911 pistol, isang magazine, apat na bala at marked money na ginamit sa operasyon.

Isasailalim sa chemistry examination ang mga nakumpiskang hinihinalang droga habang sasailalim naman sa ballistics examination ang baril at mga bala.

Nasa kustodiya na ng pulisya ang dalawang suspek matapos sumailalim sa medical examination habang inihahanda ang kaukulang kaso para sa inquest proceedings.