Arestado ang isang indibidwal matapos umanong tangkaing iwasan ang checkpoint ng mga pulis sa National Highway, Barangay Kabengi, Datu Saudi Ampatuan, Maguindanao del Sur, noong Oktubre 2.

Kinilala ng pulisya ang suspek sa alyas na “Jon”, na nasabat sa isinagawang anti-criminality checkpoint ng Maguindanao del Sur Provincial Mobile Force Company at Datu Saudi Ampatuan Municipal Police Station.

Narekober umano mula sa suspek ang isang sachet ng hinihinalang shabu na may tinatayang street value na 134,368 pesos, kasama ang isang grip paper, green lighter at motorsiklong sinasabing ginamit nito.

Dinala ang suspek sa Datu Saudi Ampatuan Municipal Police Station para sa kaukulang imbestigasyon at sasailalim din sa drug testing at laboratory examination.

Inihahanda naman ang mga kaso laban sa suspek dahil sa umano’y paglabag sa Article 151 ng Revised Penal Code at Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.