Matagumpay nang nakumpleto ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang pamamahagi ng nasa P135 milyong pisong pondo para sa fuel subsidy ng mga tsuper ng taxi sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Sa naging kumpirmasyon ni LTFRB Chairman Vigor Mendoza II, ipinabatid nitong umabot sa 5,440 na mga taxi driver ang nakatanggap ng tig-P5,000 na cash assistance.

Naibigay ang nasabing tulong-pinansyal sa ikalawa at pinal na araw ng pamamahagi noong ika-25 ng Abril.

Ayon sa datos ng ahensya, pumalo sa P27.2 milyon ang pondong naipamahagi sa ikalawang araw, na sumunod sa inisyal na P10 milyong pisong ayuda na naunang inilabas noong ika-24 ng Abril.

Dahil dito, nabuo ang kabuuang P135 milyon na inilaan para sa buong sektor ng taxi.

Samantala, bilang karagdagang hakbang at tulong sa transportasyon, kasalukuyan na ring nakikipag-ugnayan ang LTFRB sa Department of Energy (DOE) at Land Bank of the Philippines.

Layon ng nasabing hakbang na balangkasin at tuluyang ipatupad ang planong P10 kada litrong diskwento sa petrolyo para sa lahat ng mga public utility vehicle (PUV) sa buong Pilipinas.