Arestado ang dalawang lalaki matapos mahulihan ng 15 master case ng sigarilyo na hinihinalang ipinuslit sa isang checkpoint sa Matanog, Maguindanao del Norte.
Tinatayang aabot sa P642K ang halaga ng mga nakumpiskang sigarilyo, batay sa valuation ng Bureau of Internal Revenue o BIR.
Naganap ang pagkakahuli bandang alas-11:30 ng umaga nitong Oktubre 6 sa Sitio Marayag, Barangay Bayanga Norte.
Ayon sa Matanog Municipal Police Station, nakitang sakay ng brown Toyota Innova ang mga suspek nang tangkain umanong lampasan ang isinagawang checkpoint.
Gayunman, naharang ang sasakyan at isinailalim sa inspeksyon kung saan natagpuan ang 750 reams o 15 master case ng Fort cigarettes.
Wala umanong naipakitang kaukulang dokumento ang driver para sa mga dalang sigarilyo.
Kinilala ang mga suspek sa alyas na Hamdala, 26-anyos na driver, at Nosair, 28-anyos na helper, na kapwa taga-Malabang, Lanao del Sur.
Pinangunahan ni PMAJ Erwin P. Maylos, Chief of Police ng Matanog MPS, ang checkpoint operation kasama ang mga tauhan ng 3rd MP Provincial Mobile Force Company sa ilalim ni PLT. Carodin M. Tomawis.
Nahaharap ngayon ang dalawa sa mga kasong paglabag sa Article 151 ng Revised Penal Code at Republic Acts 10863 at 10643.
Nanatili sa kustodiya ng Matanog MPS ang mga suspek gayundin ang kanilang sasakyan habang isinasagawa ang kaukulang disposisyon.

















