Nagpaabot ng pakikiramay ang Philippine Army sa pamilya ng mga umano’y kasapi ng Communist Terrorist Group (CTG) na nasawi sa naganap na operasyon ng militar noong April 19, 2026 sa Toboso, Negros Occidental.

Sa isang pahayag, sinabi ni Philippine Army Commanding General Lt. Gen. Antonio G. Nafarrete na nalulungkot ang hanay ng militar sa sinapit ng mga nasawi, na aniya’y biktima rin ng maling paniniwala at pagkaladkad sa armadong kilusan.

Kasabay nito, kinilala ng Army ang katapangan at propesyonalismo ng mga tropa mula sa 79th Infantry Battalion na nagsagawa ng operasyon, at binigyang-diin ang kanilang mahigpit na pagsunod sa International Humanitarian Law at paggalang sa karapatang pantao sa panahon ng engkwentro.

Ayon pa sa pahayag, ang bawat buhay na nadadala sa armadong insurhensiya ay isang trahedya para sa bansa, at muling nanawagan ang militar sa natitira pang kasapi ng CTG na talikuran ang armadong pakikibaka at piliin ang kapayapaan.

Tiniyak din ng Philippine Army na magpapatuloy ang kanilang kampanya laban sa insurhensiya hanggang sa ganap na matapos ang matagal nang problema ng rebelyon sa bansa, habang patuloy na isinusulong ang layuning protektahan ang mamamayan at siguruhin ang seguridad ng estado.