Nagbabala ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM laban sa mga indibidwal na umano’y nanghihingi ng pera kapalit ng pagproseso, pagpapalabas o pag-apruba ng mga transaksyon sa Ministry of Basic, Higher and Technical Education o MBHTE.

Sa public advisory ng BARMM nitong Agosto 24, iniulat na may mga indibidwal umanong nanghihingi ng “contribution,” “padulas” o “SOP” sa mga transaksyon sa Ministry.

May ilan din umanong nagsasabi na ang naturang koleksyon ay para sa nalalapit na halalan.

Kasabay nito, mariing itinanggi ng MBHTE na may awtorisado itong manghingi o tumanggap ng pera, komisyon, porsyento o anumang uri ng konsiderasyon kapalit ng pagproseso o pagpapabilis ng mga transaksyon.

Kabilang sa mga transaksyong tinukoy ng Ministry ang claims, supplier payments, contracts, appointments, hiring at iba pang opisyal na proseso.

Nilinaw din ng MBHTE na walang sinuman ang maaaring humingi ng bayad kapalit ng trabaho o appointment, pagpapabilis ng bayaran, pag-impluwensya sa isang transaksyon o pagkuha ng paborableng aksyon mula sa ahensya.

Hindi rin umano kinukunsinti ng Ministry ang anumang koleksyon na sinasabing para sa halalan o iba pang layuning hindi awtorisado.

Binigyang-diin naman ng BARMM na iimbestigahan at pananagutin sa ilalim ng batas ang sinumang mapatutunayang nanghihingi o tumatanggap ng pera o anumang konsiderasyon kapalit ng serbisyo.

Hinimok ang mga empleyado, supplier, aplikante, stakeholders at publiko na huwag magbigay ng pera sa sinumang nagsasabing kailangan ito para maproseso ang isang transaksyon, makakuha ng trabaho o appointment, o mapaboran sa isang proseso.

Tiniyak ng BARMM na pananatilihing kumpidensyal ang mga ulat at poprotektahan ang pagkakakilanlan ng mga magsusumbong, bilang bahagi ng pagpapatupad ng transparency, accountability, integrity at Moral Governance sa Bangsamoro.