Patuloy ang pagbabantay ng mga awtoridad sa mga lugar na itinuturing na mataas ang panganib sa pagguho ng lupa sa bayan ng Malapatan, Sarangani matapos ang landslide na kumitil sa buhay ng sampung katao sa Sitio Fandaw nitong madaling-araw ng Biyernes, Hulyo 10.
Batay sa ulat ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), naganap ang insidente dakong alas-4:00 ng umaga kasunod ng matinding at tuluy-tuloy na pag-ulan na idinulot ng pinalakas na southwest monsoon o habagat. Dahil sa pagguho ng lupa, natabunan ang dalawang kabahayan na tinitirhan ng dalawang pamilya.
Kinumpirma ng mga awtoridad na umabot sa sampu ang nasawi sa trahedya. Agad namang nagsagawa ng search, rescue, at retrieval operations ang mga emergency responders upang matiyak na wala nang iba pang biktimang naiwan sa ilalim ng makapal na putik at mga gumuhong lupa.
Ayon kay Malapatan Mayor Salway Sumbo Jr., patuloy ang pakikipag-ugnayan ng lokal na pamahalaan sa mga rescue team at iba pang kinauukulang ahensya upang matiyak ang agarang pagtugon sa mga naapektuhan. Hinikayat din niya ang mga residenteng naninirahan sa mga bulubundukin at iba pang delikadong lugar na manatiling mapagmatyag at sumunod sa mga abiso ng mga awtoridad dahil nananatili ang banta ng panibagong pagguho ng lupa habang nagpapatuloy ang sama ng panahon.
Samantala, nagpapatuloy ang pamamahagi ng agarang tulong sa mga pamilyang naapektuhan ng sakuna, habang isinasagawa rin ng lokal na pamahalaan ang masusing pagsusuri sa iba pang komunidad na maaaring malagay sa panganib sakaling magpatuloy ang malalakas na pag-ulan.
Nananatili ring naka-heightened alert ang MDRRMO at iba pang disaster response agencies, kasabay ng patuloy na pagmamanman sa kondisyon ng panahon at mga lugar na may mataas na posibilidad ng landslide, upang maiwasan ang karagdagang pinsala at pagkawala ng buhay.

















