Nanawagan ng hustisya at malinaw na paliwanag ang pamilya ng isang army trainee mula sa Lamitan City matapos itong masawi habang sumasailalim sa military training sa Tarlac.

Kinilala ang biktima na si Junel Flores, residente ng Barangay Colonia, Lamitan City, Basilan, na umalis umano noong May 19 upang dumalo sa oath-taking ceremony bilang bahagi ng pagsisimula ng kaniyang military training sa ilalim ng Candidate Soldier Course.

Batay sa impormasyon mula sa pamilya, napaulat na nag-collapse si Flores noong May 26 habang nasa training at agad isinugod sa ospital, ngunit kalaunan ay binawian ng buhay.

Sa pahayag ng pamilya, sinabi ng ina ng biktima na si Victorina Flores na hindi nila matanggap ang sinapit ng kaniyang anak na matagal umanong nangarap maging sundalo at makapaglingkod sa bayan. Ayon pa sa kanila, napansin umano nila ang mga pasa at marka sa katawan ng trainee, kabilang sa bahagi ng ulo, dahilan upang hilingin nila ang masusing paglilinaw sa tunay na nangyari.

Samantala, sa inilabas na opisyal na pahayag ng Training Command, Philippine Army, kinumpirma nitong dalawang trainees mula sa Candidate Soldier Course (CSC) Class 806-2026 ang nasawi habang sumasailalim sa military training.

Nagpaabot ng pakikiramay ang Philippine Army sa mga naulilang pamilya at tiniyak ang pagbibigay ng kinakailangang tulong at suporta sa mga ito habang isinasagawa ang masusi at impartial na imbestigasyon upang matukoy ang buong pangyayari sa insidente.

Binigyang-diin din ng Training Command na mahigpit nitong ipinagbabawal ang anumang uri ng pananakit, pagmamaltrato, at pang-aabuso sa loob ng military instruction at training activities, kasabay ng pagtitiyak na pananagutan, transparency, at kapakanan ng bawat trainee ay kabilang sa kanilang pangunahing prayoridad.

Habang nagpapatuloy ang imbestigasyon, patuloy namang nananawagan ng hustisya ang pamilya ni Flores upang mabigyang-linaw ang tunay na dahilan ng kaniyang pagkamatay.