Nagsampa ng panibagong reklamong “grave oral defamation” si Erwin Tulfo laban sa dating kongresista na si Mike Defensor, abogado na si Levito Baligod, at dalawa sa mga nagpakilalang dating bodyguard ni Zaldy Co na sina Jeron Valderama at Bernard Gumban nitong Miyerkules, Hulyo 8.

Inihain ang reklamo sa Mandaluyong City Prosecutor’s Office. Bukod sa mga naunang nabanggit, kabilang din sa mga inireklamo sina Ranulfo Ludovica at Virgilio Garcia.

Ayon sa kampo ni Tulfo, nag-ugat ang reklamo sa isinagawang umano’y hindi awtorisadong pagdinig ng Blue Ribbon Committee at press conference noong Hunyo 16, 2026, kung saan iniugnay ang senador sa umano’y kickback scheme at pagtanggap ng suhol sa pamamagitan ng maleta na may kaugnayan sa mga flood control project.

Mariing itinanggi ni Tulfo ang mga alegasyon. Aniya, wala siyang natanggap na anumang kickback o maleta at iginiit na wala rin siyang kontrol o pamamahala sa anumang pondo para sa flood control at iba pang infrastructure projects.

Bago ang pinakahuling reklamong ito, naghain na rin si Tulfo noong Hunyo 8 ng hiwalay na kasong libel sa Pasay City courts laban sa tatlo sa mga kabilang sa grupong nagpakilalang 18 dating bodyguard. Ang mga kasong ito ay kaugnay rin ng mga alegasyong inihain laban sa senador.