Naghain si Mamamayang Liberal (ML) Party-list Representative Leila de Lima ng panukalang batas na naglalayong ipagbawal ang paglalagay ng expiration sa prepaid load credits ng mga telecommunication company sa bansa.

Sa ilalim ng House Bill No. 9903 o “Prepaid Load Forever Act,” hindi na papayagang mawalan ng bisa ang hindi pa nagagamit na load ng mga subscriber. Ipinagbabawal din ng panukala ang pagkumpiska ng natitirang load sa mga aktibong account, gayundin ang hindi makatwirang pagtanggi sa pagbabalik ng nawalang load.

Ayon kay De Lima, nararapat lamang na mapakinabangan ng mga consumer ang load na kanilang binayaran dahil ito ay itinuturing na kanilang ari-arian. Aniya, hindi makatarungan na mapilitang gamitin agad ng mga subscriber ang kanilang load dahil sa pangambang mag-expire ito.

Sa kasalukuyan, umiiral ang patakaran ng National Telecommunications Commission, Department of Information and Communications Technology, at Department of Trade and Industry na nagbibigay ng isang taong validity period para sa lahat ng prepaid load credits.

Iginiit ni De Lima na dahil sa umiiral na polisiya, bilyun-bilyong pisong halaga ng prepaid load ang umano’y nawawala sa mga consumer bawat taon.

Nakapaloob din sa panukala ang probisyon para sa mga account na hindi nagkaroon ng anumang aktibidad sa loob ng isang taon. Sa ganitong sitwasyon, maaaring bawasan ng isang piso kada araw ang natitirang load hanggang sa tuluyan itong maubos.

Samantala, naghain din si De Lima ng House Bill No. 9859 na naglalayong magbigay ng 20 porsiyentong diskwento sa mobile load, tawag, text, at internet services para sa mga estudyante bilang suporta sa kanilang pangangailangan sa komunikasyon at pag-aaral.