Nanawagan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pamahalaan ng Canada na gawing mas malinaw at transparent ang ipinatutupad nitong bagong migration rules upang magkaroon ng katiyakan ang mga Pilipinong naninirahan at nagtatrabaho sa naturang bansa hinggil sa kanilang katayuan.
Ayon sa Pangulo, kabilang sa mga naging pagbabago ang pagbawas sa bilang ng quota para sa mga Pilipinong manggagawa. Aniya, may ilang probisyon pa ng bagong patakaran na nangangailangan ng higit na paglilinaw upang maiwasan ang kalituhan sa mga maaapektuhan nito.
Binigyang-diin ni Marcos na hindi niya hinahangad na baguhin ng Canada ang sarili nitong batas sa migrasyon. Sa halip, nais lamang niyang maging malinaw ang mga alituntunin upang matiyak na nauunawaan ng mga Pilipino sa Canada ang kanilang legal na status at mga karapatan.
Dagdag pa ng Pangulo, nakausap niya ang ilang Pilipinong matagal nang naninirahan sa Canada, kaya mahalagang matiyak na hindi sila maaapektuhan ng mga bagong regulasyon. Aniya, ang malinaw na implementasyon ng migration policy ay makatutulong din sa pamahalaan ng Pilipinas upang makapag-angkop sa mga pagbabagong ipinatutupad ng Canada.
















