Nanawagan si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa mga Pilipino na huwag mapagod na mahalin, piliin, at ipaglaban ang Pilipinas, kasabay ng paggunita natin ng kalayaan ngayon dahil ito ay tinubos ito ng dugo ng mga bayani natin.

Sa kaniyang mensahe, hinimok ng Pangulo ang mga mamamayan na palalimin ang kamalayan, maging mapanuri sa katotohanan, at gamitin sa tama ang kakayahan sa halip na sa masama.

Binigyang-diin din ng Pangulo ang kahalagahan ng patas na pakikipaglaban sa araw-araw nang hindi pinagsasamantalahan ang pinagpaguran ng iba, at ang pagpili sa ikabubuti ng bayan bago ang interes ng iilan.

Ayon kay Pang. Marcos, ang pananatiling tapat sa mga adhikaing ito ang magtitiyak na ang mga susunod na henerasyon ay magmamana ng isang bansang mas matatag, makatarungan, at maunlad sa ilalim ng iisang mithiin para sa isang “Bagong Pilipinas.”

“ Gamitin natin ang mga aral na ito upang mapaunlad ang ating bansa at mapalawig ang ating kasarinlan. Maraming hamon sa ating kalayaan at kaunlaran. Nandiyan ang mga katiwalian, pagkakakanya-kanya, at kahirapan. Nandiyan din ang mga pandaigdigang kaganapan at banta ng tinatawag na climate change at kalikasan. 

Ngunit, sa kabila ng mga ito, nananatili ang aking paniniwala at pag-asa sa galing, sipag, at kabutihan ng ating lahi, ng lahing Pilipino. Sa maraming pagkakataon, naipakita natin ang ating kakayahan na manindigan para sa tama, na magmalasakit sa kapwa; na bumangon sa harap ng pagsubok. Lalo na sa panahon ng kalamidad, naipapakita natin ang ating pagkakaisa, pagtutulungan, at ang ating malasakit,” mensahe ni Pang. Marcos.