Sampung labi ng mga natukoy na biktima ng MV June Aster ang inilipat ng Philippine Coast Guard (PCG) vessel BRP Suluan mula Coron patungong El Nido, Palawan, ngayong araw ng Linggo Oktubre 18, kasama ang 20 kaanak ng mga nasawi.
Umalis ang BRP Suluan sa Port of Coron patungong San Fernando Port sa El Nido upang matiyak ang ligtas na paglilipat sa mga labi at maihatid ang mga ito sa kanilang destinasyon.
Batay sa datos ng PCG nasa 38 na ang mga nahukay na labi ng mga natukoy na biktima na may mga kaanak nang kinilalang claimant.
Sa bilang na ito, 26 na ang naipagkaloob sa kanilang mga pamilya, 11 ang nakatakdang dalhin sa Maynila, at isa ang nananatili sa 5R Funeral Home.
Samantala, 67 sa kabuuang 71 labi ang natukoy na ang pagkakakilanlan.
Patuloy na sinusuportahan ng PCG ang mga operasyon kaugnay ng insidente, kabilang ang paglilipat sa mga labi at pagtulong sa mga pamilyang apektado ng trahedya, katuwang ang mga kinauukulang awtoridad.

















