Nasamsam ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Philippine National Police (PNP) ang tinatayang ₱3.4 milyong halaga ng hinihinalang shabu sa isang matagumpay na buy-bust operation na isinagawa noong Marso 26, 2026 sa Zone 3, Don Alfaro Street, Barangay Tetuan.

Pinangunahan ang operasyon ng PDEA Regional Office 9–Zamboanga del Sur Provincial Office, katuwang ang PDEA Zamboanga City Office at ang PNP Zamboanga City Drug Enforcement Unit. Nagresulta ito sa pagkakaaresto ng isang hinihinalang sangkot sa ilegal na droga na kilala sa alyas na “Den-Den,” residente ng Barangay Sta. Barbara ng nasabing lungsod.

Narekober mula sa suspek ang sampung (10) piraso ng transparent plastic packs na naglalaman ng puting kristal na substansiya na hinihinalang shabu na may kabuuang timbang na humigit-kumulang 500 gramo. Bukod dito, nakumpiska rin ang buy-bust money, isang android phone, at iba pang mga ebidensyang hindi droga.

Isinagawa ang wastong pagmamarka, imbentaryo, at pagkuha ng litrato sa mga nakumpiskang ebidensya sa presensya ng naarestong suspek, isang halal na opisyal ng barangay, at kinatawan ng media. Ito ay alinsunod sa itinakdang proseso sa ilalim ng Section 21 ng Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 o Republic Act No. 9165 upang matiyak ang integridad at kredibilidad ng mga ebidensya.

Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Section 5 (Sale of Dangerous Drugs), Article II ng RA 9165. Ang nasabing paglabag ay may kaparusahang habambuhay na pagkakakulong at multang mula ₱500,000 hanggang ₱10,000,000.

Ayon sa mga awtoridad, ang matagumpay na operasyong ito ay patunay ng pinaigting na kampanya ng pamahalaan laban sa ilegal na droga at nagsisilbing babala sa mga patuloy na sangkot sa drug trafficking. Patuloy naman ang panawagan ng mga ahensya sa publiko na makiisa sa kampanya laban sa ilegal na droga para sa mas ligtas at maayos na komunidad.