Pumanaw na ang isang Philippine Eagle na nailigtas matapos matagpuang malubha ang kondisyon sa Malaybalay City, Bukidnon.

Kinumpirma ng Philippine Eagle Foundation na binawian ng buhay ang adult female eagle na pinangalanang “Sawaga-Dalwangan” habang sumasailalim sa rehabilitasyon sa Philippine Eagle Center sa Davao City.

Na-rescue ang agila noong July 3 matapos matagpuan malapit sa Sawaga River sa Barangay Dalwangan. Una itong nasagip ng residenteng si Marven Linoy na agad humingi ng tulong sa mga awtoridad upang maipagamot ang bihirang ibon.

Ayon sa paunang pagsusuri ng mga beterinaryo, lubhang nanghihina at dehydrated ang agila, hindi na ito makalipad, at sira na ang mga balahibo nito. Natuklasan ding may malalalim itong sugat sa pakpak, tiyan at buntot na ininfest na ng mga uod o maggots.

Sa isinagawang pagsusuri, lumabas na ang mga sugat nito ay pinaniniwalaang dulot ng pag-atake ng mga unggoy bago ito natagpuan.

Bagama’t nagpakita umano ng bahagyang pagbuti ang kondisyon ng agila matapos malapatan ng lunas, bigla itong nakaranas ng matinding komplikasyong medikal at tuluyang namatay sa kabila ng pagsisikap ng mga beterinaryo na mailigtas ito.

Ayon sa Philippine Eagle Foundation, ang pagpanaw ni “Sawaga-Dalwangan” ay muling nagpapaalala sa kahalagahan ng pangangalaga sa Philippine Eagle, isa sa mga pinakaendangered na ibon sa mundo at pambansang ibon ng Pilipinas.