Nanawagan ang pamilya, mga kaibigan, at mga miyembro ng komunidad ng yumaong Philippine Navy trainee na si Aldwayne Agnaonao Bonuan Dulnuan para sa isang masusi, patas, at malinaw na imbestigasyon kaugnay ng kanyang pagkamatay habang sumasailalim sa military training.
Pumanaw si Dulnuan, isang katutubong Ifugao at piloto, noong July 22, 2026 habang nasa pagsasanay ng Philippine Navy sa Zambales.
Sa unang araw ng tradisyunal na lamay nito sa Huliaban, Kiangan, Ifugao noong July 26, sinabi ng pamilya na wala pa silang natatanggap na opisyal na pahayag mula sa Philippine Navy tungkol sa naging insidente.
Ayon sa mga kaanak, may hinala silang nakaranas umano ng pagpapahirap si Dulnuan habang nasa pagsasanay. Gayunman, wala pang inilalabas na opisyal na ulat ang mga kinauukulang awtoridad na nagpapatunay sa naturang alegasyon.
Dahil dito, hiniling ng pamilya na magkaroon ng isang ganap, malinaw, at walang kinikilingang imbestigasyon upang matukoy ang tunay na sanhi ng kanyang pagkamatay at mapanagot ang sinumang mapatutunayang may pananagutan.

















