Mas pinalakas pa ng Pilipinas at Canada ang kanilang relasyon matapos ihayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na itinaas na sa Strategic Partnership ang ugnayan ng dalawang bansa kasunod ng kanyang pakikipagpulong kay Canadian Prime Minister Mark Carney sa British Columbia.

Ayon kay Pangulong Marcos, tinalakay nila ni Prime Minister Carney ang patuloy na pagpapalalim ng bilateral relations at mga konkretong hakbang upang mapanatili ang matatag na kooperasyon ng Pilipinas at Canada. Sinundan ito ng isang pinalawak na bilateral meeting na dinaluhan ng kani-kanilang mga opisyal at delegasyon.

Bilang bahagi ng kasunduan, inatasan ng dalawang lider ang kanilang mga foreign minister na bumuo ng isang plan of action na magsisilbing gabay sa pagpapatupad ng mga napagkasunduang hakbang. Layunin nitong mapalakas ang pagtutulungan ng dalawang bansa sa gitna ng nagbabagong pandaigdigang sitwasyon, pagtugon sa magkatuwang na hamon, at pagtatatag ng isang mas matatag at handang partnership para sa hinaharap.

Binigyang-diin din ni Pangulong Marcos na mahalagang haligi ng lumalakas na ugnayan ng Pilipinas at Canada ang kooperasyon sa larangan ng depensa at seguridad.

Kasabay nito, napagkasunduan ng dalawang bansa na pabilisin ang negosasyon para sa Canada–Philippines Free Trade Agreement, habang paiigtingin din ang pagtutulungan sa mga sektor ng malinis na enerhiya, disaster resilience, at food security.

Sa usaping panseguridad, muling pinagtibay ng Pilipinas at Canada ang kanilang suporta sa isang malaya at bukas na Indo-Pacific, paggalang sa international law, at sa arbitral ruling noong 2016 kaugnay ng West Philippine Sea.

Nilagdaan rin ng dalawang bansa ang ilang kasunduan na sumasaklaw sa turismo, kultura, paggawa, at migrasyon, na inaasahang higit pang magpapalakas sa ugnayan ng mahigit isang milyong Filipino-Canadians at ng dalawang bansa.