Nanguna ang pneumonia bilang pangunahing dahilan ng pagkaka-admit ng mga pasyente sa Cotabato Regional and Medical Center (CRMC) nitong Marso 2026, batay sa pinakahuling ulat ng Health Information Management Department ng ospital.

Umabot sa 260 kaso ng pneumonia ang naitala na siyang pinakamataas sa top 10 leading causes of admission o morbidity.

Pumangalawa ang malignant neoplasms o cancer na may 174 kaso, habang pumangatlo ang trauma na dulot ng vehicular accidents na may 88 kaso.

Sinundan ito ng hypertensive diseases na may 73 kaso at diarrhea at gastroenteritis na may 72 kaso na pinaniniwalaang may infectious origin.

Nasa ikaanim na puwesto ang respiratory distress of newborn na may 61 kaso, kasunod ang ischemic heart disease na may 49 kaso.

Naitala rin ang cerebral infarction na may 42 kaso, diabetes mellitus na may 40 kaso, at iba pang sakit sa urinary system na may 39 kaso.

Huling nasa listahan ang intracranial hemorrhage na may kaparehong 39 kaso.

Patuloy ang paalala ng CRMC sa publiko na ugaliing pangalagaan ang kalusugan at agad magpakonsulta sa mga health facility upang maiwasan ang paglala ng mga karamdaman.