Dumalaw ang mga opisyal ng Police Regional Office Bangsamoro Autonomous Region sa pamilya ng nasawing pulis na si Patrolman Alfatah Marohom, isa sa mga nasawi sa naganap na ambush sa Shariff Aguak, Maguindanao del Sur noong Marso 28, 2026.
Pinangunahan ang pagbisita ni PBGEN Jaysen C. De Guzman, Regional Director ng PRO-BAR, kasama si PMAJ Albert P. Carillo, Station Commander ng Police Station 4, katuwang ang iba pang kapulisan.
Ayon sa ulat, layunin ng pagbisita na iparating ang pakikiramay at suporta ng organisasyon sa naiwang pamilya ng nasawing pulis, na kinikilalang bayani dahil sa kanyang paglilingkod sa bayan.
Ipinahayag ng mga opisyal ang kanilang pakikiisa sa pagdadalamhati ng pamilya, kasabay ng pagbibigay-pugay sa sakripisyo at dedikasyon ng nasawing pulis sa tungkulin.
Tiniyak din ng PRO-BAR ang patuloy na suporta sa pamilya ng biktima, bilang bahagi ng kanilang malasakit sa kapakanan ng kanilang mga tauhan at kanilang mga naulila.

















