Inihayag ni Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla na nasa huling yugto na ang paghahanda para sa posibleng pagsasampa ng kasong plunder laban kay dating House Speaker at Leyte 1st District Representative Martin Romualdez.


Ayon kay Remulla, may ilang kinakailangang proseso pang tapusin bago pormal na maihain ang reklamo. Aniya, matapos ang isinagawang fact-finding ay sasailalim pa ang kaso sa preliminary investigation alinsunod sa umiiral na batas at mga alituntunin ng Office of the Ombudsman.


Ipinaliwanag ng Ombudsman na mahalaga ang naturang yugto ng imbestigasyon upang matiyak ang pagsunod sa due process at mapangalagaan ang karapatan ng lahat ng indibidwal na maaaring maisama bilang mga respondent sa reklamo.


Kaugnay ang isinasagawang imbestigasyon sa mga alegasyon ng iregularidad sa ilang flood control projects ng pamahalaan. Ayon kay Remulla, kabilang si Romualdez sa mga indibidwal na iniimbestigahan kaugnay ng naturang usapin.


Gayunman, hindi na nagbigay ng karagdagang detalye ang Ombudsman kung kailan eksaktong maisasampa ang posibleng kasong plunder laban kay Romualdez.


Sa kasalukuyan, wala pang pormal na kasong naihahain sa hukuman laban kay Romualdez kaugnay ng naturang isyu, at nananatili ang presumption of innocence hangga’t hindi napatutunayang nagkasala sa korte.