Inaasahan ang malaking rollback sa presyo ng mga produktong petrolyo sa susunod na linggo kasunod ng pagluwag ng tensyon sa pandaigdigang merkado ng langis.

Ayon sa mga source mula sa industriya ng langis, maaaring umabot sa P8.00 hanggang P10.00 kada litro ang magiging bawas sa presyo ng diesel matapos ang apat na araw ng kalakalan.

Posible rin ang rollback na P4.00 hanggang P6.00 kada litro para sa gasolina, habang P9.00 hanggang P11.00 kada litro naman ang maaaring ibaba sa presyo ng kerosene.

Isa sa mga pangunahing dahilan ng inaasahang pagbaba ng presyo ay ang muling pagbubukas ng Strait of Hormuz, isang mahalagang ruta ng suplay ng langis sa mundo, gayundin ang paglagda ng kasunduang pangkapayapaan sa pagitan ng Estados Unidos at Iran.

Gayunman, may natitira pang isang araw ng trading kaya maaari pang magbago ang mga pagtataya at maaaring madagdagan o mabawasan pa ang inaasahang rollback.

Inaasahang iaanunsyo ng mga kumpanya ng langis ang opisyal na price adjustment sa Lunes, habang magiging epektibo naman ito sa Martes.