Makakaranas ng scheduled power interruption ang buong Cotabato City at ilang bahagi ng Maguindanao del Norte, Maguindanao del Sur, Cotabato Province at Special Geographic Areas o SGA ng BARMM sa Linggo, Setyembre 20, 2026.

Isasagawa ang power interruption mula 5AM hanggang 10AM para sa maintenance activity sa Kibawe-Sultan Kudarat 138-kilovolt transmission line.

Kabilang sa maaapektuhan ang MAGELCO Simuay Substation mula 5AM hanggang 10AM.

Samantala, mawawalan ng suplay ng kuryente ang buong coverage area ng Cotabato Light and Power Company o CLPC, buong coverage area ng COTELCO-PPALMA, at MAGELCO Capiton Substation mula 5AM hanggang 6AM at muli mula 9AM hanggang 10AM.

Layunin ng maintenance activity na itama ang mga naputol na conductor strands sa Tower 139 ng Kibawe-Sultan Kudarat 138-kilovolt line.

Ayon sa abiso, maaari ring magkaroon ng panandaliang pagkawala ng kuryente bago at matapos ang maintenance dahil sa paglilipat ng mga load.

Isasagawa rin ang voluntary load curtailment kung kinakailangan upang maiwasan ang overloading sa Tacurong-Datu Saudi Ampatuan 69-kilovolt line na pansamantalang magsusuplay ng kuryente sa CLPC, COTELCO-PPALMA at MAGELCO Capiton Substation habang isinasagawa ang trabaho.

Ang mga partikular na lugar na maaapektuhan at iskedyul ng load curtailment ay tutukuyin ng kani-kanilang distribution utilities.

Samantala, sinabi ng NGCP na gagawin nito ang lahat ng paraan upang maibalik ang suplay ng kuryente nang mas maaga o ayon sa itinakdang iskedyul.