Posibleng umabot hanggang Huwebes ang pre-trial proceedings kaugnay ng impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte, dahil sa dami ng mga dokumentong kailangang repasuhin at markahan.

Ayon kay Atty. Michael Poa, tagapagsalita ng depensa ni Sara Duterte, nasa yugto pa lamang ngayon ng document marking ang kanilang kampo kung saan isa-isang tinutukoy ang mga ebidensyang posibleng gamitin sa paglilitis.

Paliwanag ni Michael Poa, inaasahang magpapatuloy pa ang proseso hanggang Hunyo 25 dahil marami pang rekord ang kailangang ayusin at i-validate.

Kabilang sa mga sinusuri ang mga ulat mula sa Commission on Audit (COA), acknowledgment receipts, Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN), at iba pang dokumentong nauna nang naisumite sa House Committee on Justice.

Ang mga ito ay may kaugnayan sa mga paratang sa Articles of Impeachment, kabilang ang umano’y iregularidad sa paggamit ng confidential funds at isyu ng hindi maipaliwanag na yaman.

Nilinaw din ng depensa na ang ginagawang pagmamarka sa mga dokumento ay hindi katumbas ng pagtanggap sa bisa o katotohanan ng mga ito bilang ebidensya, kundi bahagi lamang ng paghahanda para sa mas maayos na pagdinig sa aktwal na impeachment trial.