Humihiling ng agarang hakbang ang Bangsamoro Parliament sa Bangsamoro Regional Government para maibsan ang epekto ng mataas na presyo ng gasolina at diesel sa mga residente ng Tawi-Tawi.

Sa ilalim ng BTA Resolution No. 829 na inihain nina MP Atty. John Anthony L. Lim at MP Atty. Jose Lorena, hinihikayat si Bangsamoro Chief Minister Abdulraof A. Macacua na magsagawa ng agarang fuel supply at consumer relief measures sa lalawigan.

Batay sa resolusyon, umaabot sa 140 pesos kada litro ang presyo ng gasolina habang nasa 110 pesos kada litro ang diesel sa ilang lugar sa Tawi-Tawi.

Binigyang-diin sa resolusyon na malaki ang epekto ng mataas na presyo ng produktong petrolyo sa mga residente, lalo na sa mga umaasa sa transportasyon at iba pang aktibidad na gumagamit ng gasolina at diesel.

Kabilang dito ang mga mangingisda, boat operators, drivers at iba pang manggagawa na direktang naaapektuhan ng mataas na gastos sa petrolyo at transportasyon.

Ayon kay MP Atty. John Anthony Lim, layunin ng resolusyon na magkaroon ng agarang regional intervention upang matulungan ang mga residente sa mga isla ng Tawi-Tawi.

Hiniling din sa Bangsamoro Government na maglatag ng mga hakbang na maaaring makatulong na mabawasan ang epekto ng mataas na presyo ng petrolyo, alinsunod sa dereguladong katangian ng downstream oil industry.