Sugatan ang isang pulis matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang mga suspek habang pauwi mula sa kanyang duty sa isinagawang checkpoint sa Barangay Salbu, Datu Saudi Ampatuan nitong Martes ng gabi, June 09.

Kinilala ang biktima na si Police Staff Sergeant Samsudin Utto Abdullah, 51-anyos, may asawa, at nakatalaga sa Datu Saudi Ampatuan Municipal Police Station.

Batay sa paunang imbestigasyon ng pulisya, dakong alas-8:10 ng gabi nang maganap ang insidente sa kahabaan ng provincial road sa Sitio Lower Salbu, Barangay Salbu.

Sakay umano ng kanyang puting Toyota Avanza ang biktima at pauwi na matapos ang kanyang checkpoint duty mula alas-6:00 hanggang alas-8:00 ng gabi nang pagbabarilin ng mga hindi pa nakikilalang suspek.

Dahil sa insidente, nagtamo ang biktima ng minor gunshot injury sa kanyang kanang braso habang napinsala rin ang driver’s side ng kanyang sasakyan.

Agad namang rumesponde ang mga tauhan ng Datu Saudi Ampatuan Municipal Police Station sa pangunguna ni PLT Mohamad U. Ali at isinugod ang biktima sa Integrated Provincial Health Office (IPHO)-Maguindanao Hospital para sa agarang gamutan.

Samantala, mabilis na tumakas ang mga suspek patungo sa hindi pa malamang direksyon matapos ang pamamaril.

Nagsagawa na rin ng crime scene investigation at hot pursuit operation ang mga awtoridad upang matukoy at madakip ang mga responsable sa insidente.

Patuloy pa ang follow-up investigation ng pulisya upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga suspek at alamin ang motibo sa likod ng pamamaril.