Nagdaos ng command conference ang Maguindanao del Sur Police Provincial Office (MDSPPO) bilang bahagi ng paghahanda sa nalalapit na 2026 BARMM Parliamentary Elections.

Pinangunahan ni Provincial Director Police Colonel Michael John C. Mangahis ang pulong na dinaluhan ng command staff at mga pinuno ng iba’t ibang yunit upang talakayin ang mga hakbang sa seguridad at iba pang usaping may kaugnayan sa operasyon ng pulisya.

Kabilang sa mga tinalakay ang paghahanda para sa isasagawang Peace Covenant signing ng mga kandidato sa parliamentary elections, kung saan inaasahang mangangako ang mga ito na susuporta sa mapayapa, maayos, at ligtas na halalan.

Tinalakay rin sa pulong ang deployment ng mga tauhan, operational plans, at iba pang security measures na ipatutupad sa iba’t ibang bahagi ng lalawigan upang matiyak ang kaayusan bago, habang, at pagkatapos ng halalan.

Ayon sa MDSPPO, layunin ng command conference na higit pang mapalakas ang koordinasyon ng mga yunit at matiyak ang kahandaan ng pulisya sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa buong Maguindanao del Sur sa panahon ng halalan.