Tiniyak ng Department of Public Works and Highways (DPWH) Region 12 ang agarang pagpapatuloy ng rehabilitasyon ng Simuay Bridge sa Maguindanao del Norte kasunod ng high-level coordination meeting na isinagawa nitong Hunyo 2, 2026.
Tinalakay sa pulong sa pagitan ng DPWH Region 12 at ni Maguindanao del Norte Governor Datu Tucao O. Mastura ang mga pangunahing infrastructure projects sa lalawigan, kabilang ang rehabilitasyon ng Simuay Bridge, pagsasaayos ng mga road approaches, at pagpapalawak ng ilang pangunahing kalsada.
Ayon kay Governor Mastura, mahalagang mapabilis ang implementasyon ng mga proyekto upang mapabuti ang kondisyon ng transportasyon at konektibidad sa lalawigan.
Binigyang-diin din sa pagpupulong ang maayos na proseso ng right-of-way acquisition at ang patas na kompensasyon para sa mga maaapektuhang may-ari ng lupa.
Sa panig naman ng DPWH Region 12, sinabi nitong nakahanda na ang pondo para sa mga nasabing proyekto at maaari nang ipagpatuloy ang mga kinakailangang pagawain sa lalong madaling panahon.

















