Nag-anunsyo ang mga kumpanya ng langis ng panibagong price adjustment sa produktong petrolyo, kung saan nakatakdang bumaba ang presyo ng diesel at kerosene habang may bahagyang pagtaas naman sa gasolina.

Sa magkakahiwalay na abiso, aabot sa ₱9.57 kada litro ang rollback sa diesel, habang ₱13.30 kada litro naman ang bawas sa kerosene. Kasabay nito, may dagdag-presyo sa gasolina na nasa hanggang ₱0.47 kada litro.

Epektibo ang naturang price movement alinsunod sa ipinatutupad na oil pricing adjustments ng Department of Energy mula Mayo 12 hanggang 18.

Nauna nang tinatayang posibleng tumaas pa ang presyo ng gasolina ng hanggang ₱4.00 kada litro, habang maaaring bumaba naman ang diesel ng hanggang ₱8.00 kada litro, batay sa galaw ng pandaigdigang presyo ng langis.

Ayon sa DOE, ang mga pagbabago sa presyo ay direktang nakabatay sa international oil market kung saan patuloy na naaapektuhan ng mga kaganapan sa Gitnang Silangan ang supply at presyo ng krudo sa buong mundo.

Sa nakalipas na linggo, naitala ang pagtaas ng ₱2.21 kada litro sa gasolina at ₱2.66 kada litro sa diesel, habang may rollback na ₱3.53 kada litro sa kerosene.

Dahil dito, mula Enero hanggang Mayo 5, 2026, umabot na sa kabuuang net movement na ₱46.44 kada litro ang gasolina, ₱51.82 kada litro ang diesel, at ₱54.46 kada litro ang kerosene.