Ipinapaaresto ng Iligan City Regional Trial Court Branch 1 ang 12 indibidwal, kabilang si Datu Unsay, Maguindanao del Sur Mayor Datu Andal “Xyril” Ampatuan V, kaugnay ng umano’y RPG ambush kay Shariff Aguak Mayor Datu Akmad Mitra B. Ampatuan noong Enero 2026.
Nahaharap ang mga akusado sa apat na bilang ng frustrated murder at mga paglabag sa Republic Act 11479 o Anti-Terrorism Act of 2020, kabilang ang terrorism, planning, training, preparing and facilitating terrorism, at conspiracy to commit terrorism.
Nakabatay ang warrant of arrest sa resolusyon ng Department of Justice National Prosecution Service noong Agosto 28, 2026, kung saan sinabi ng panel na may probable cause para isulong ang mga kaso.
Nakaligtas si Mayor Mitra Ampatuan sa naturang pag-atake na isinagawa umano gamit ang rocket-propelled grenade o RPG laban sa kanyang grupo.
Kabilang din sa mga ipinapaaresto sina Ababang Salik alyas Babang, Edad Pendatun alyas Haider, Aboher K. Guimbangan, Toraipie A. Lusod, Gapor Magaluyan, Mohammad Shamron Uday Sapalon alyas Tho Sapalon, Samsudin K. Mokamad, Saudi M. Guiapal, Johari M. Guiapal, Soy Kali, at Datuben Gayon alyas Datu Ben A. Alib.
Iniugnay ang mga pangalan ng mga akusado sa imbestigasyon sa insidente, habang ayon kay Police Regional Office-BARMM spokesperson Steffi Salanguit, kabilang sila sa mga itinuturing na persons of interest sa kaso.
Isinampa ang reklamo ni Mayor Mitra Ampatuan kasama sina PFC Manuel A. Dondiego, Tips Lakman Eso, at Butch S. Saludin.
Samantala, wala pang inilalabas na pahayag ang kampo ni Mayor Xyril Ampatuan at ng iba pang akusado kaugnay ng warrant of arrest.
Dadaan naman sa kaukulang proseso ng hukuman ang mga kaso at mabibigyan ng pagkakataon ang mga akusado na sagutin ang mga paratang laban sa kanila.

















