Pinarangalan ng 6th Infantry Division o Kampilan Division at Joint Task Force Central ang dalawang sundalong nasawi sa pamamaril sa Sultan Kudarat, Maguindanao del Norte noong Setyembre 23, 2026.

Ginawaran ng posthumous military honors sina Corporal Jobert C. Labuson at Corporal John Mark C. Dumaguing, kapwa miyembro ng 7th Infantry Battalion ng 6ID, Philippine Army.

Pinangunahan ni Acting 6ID/JTF Central Commander Brig. Gen. Ricky P. Bunayog ang seremonya sa Camp Siongco Mortuary ngayong araw ng Biyernes Setyembre 25, kung saan tinanggap ng mga pamilya ng dalawang sundalo ang kanilang mga parangal.

Nagkaloob din ng financial assistance ang Armed Forces of the Philippines sa mga naiwang pamilya bilang bahagi ng suporta sa mga sundalong nasawi habang ginagampanan ang kanilang tungkulin.

Samantala, isinagawa rin ang funeral rites para sa dalawang sundalo bago ihatid ang kanilang mga labi sa kani-kanilang hometown para sa huling pamamaalam.

Iginiit ni Bunayog na hindi makakalimutan ang sakripisyo nina Labuson at Dumaguing, habang tiniyak nitong gagawin ng kanilang pamunuan ang lahat ng paraan upang mapanagot sa batas ang mga responsable sa pamamaril.

Mariin namang kinondena ng 6ID at JTFC ang insidente at sinabing patuloy nitong mobilisahin ang mga kinakailangang resources para matukoy at mapanagot ang mga nasa likod ng krimen.