Isa sa mga Search and Rescue (SAR) dogs ng Philippine Coast Guard (PCG) ang na-deploy sa operasyon sa isang gumuhong gusali sa Pampanga bilang bahagi ng patuloy na paghahanap sa mga posibleng na-trap at naapektuhan ng insidente.

Ayon sa PCG, kabilang ang naturang working dog sa hanay ng mga Coast Guard Working Dogs (CGWD) na sinanay para tumulong sa mga operasyon ng paghahanap at pagsagip sa panahon ng mga sakuna at emergency.
Naging bahagi rin ng tampok na aktibidad sa Coast Guard Working Dog Summit ang pagpapakita ng kakayahan ng mga SAR dogs sa pagtukoy ng lokasyon ng mga biktima sa mga lugar na naapektuhan ng kalamidad, kabilang ang mga gumuhong istruktura.
Malaki ang naitutulong ng mga sinanay na aso sa pagpapabilis ng search and rescue operations dahil sa kanilang matalas na pang-amoy na nakatutulong sa paghanap ng mga nawawala o naipit sa mga debris.

Patuloy namang pinaiigting ng Philippine Coast Guard ang pagsasanay at pagpapalawak ng kanilang working dog program upang higit na mapalakas ang kakayahan ng ahensya sa pagtugon sa mga kalamidad at iba pang emergency situations sa bansa.