Nanawagan si Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity Secretary Mel Senen Sarmiento ng pagkakaisa sa Bangsamoro matapos ang halalan.
Sa mensaheng inilabas ng Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity, sinabi ni Sarmiento na may mga nanalo at hindi pinalad sa halalan, ngunit hindi umano dapat magkaroon ng talunan sa pagtatayo ng kinabukasan ng Bangsamoro.
Hinimok niya ang mga Bangsamoro na maghilom, magpatawad at magkaisa matapos ang political contest.
Ayon kay Sarmiento, dapat isantabi ang mga pagkakahati dulot ng halalan at magtulungan para sa isang mapayapa, nagkakaisa at umuunlad na Bangsamoro.
Binigyang-diin din niya na patuloy na makikipagtulungan ang OPAPRU sa lahat, anuman ang kanilang political affiliation, upang mapangalagaan ang mga nakamit sa peace process.











