Nangako si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na paiigtingin ng pamahalaan ang kaligtasan sa mga paaralan at ang professional development ng mga guro sa buong bansa.
Sa kanyang talumpati sa pagdiriwang ng National Teachers Month, sinabi ng Pangulo na patuloy na makikipagtulungan ang pamahalaan sa mga magulang, komunidad at iba pang katuwang upang gawing mas ligtas at mas tumutugon sa pangangailangan ng mga mag-aaral ang mga paaralan.
Binigyang-diin din niya ang pagpapabuti sa paghahanda at pagsasanay ng mga guro sa buong panahon ng kanilang karera.
Kabilang sa mga hakbang ng administrasyon ang Teacher Education Roadmap 2035, scholarship program para sa Teacher Education Centers of Excellence, at My Teacher Education Commons (MyTEC), isang digital platform para sa patuloy na pagkatuto ng mga guro.
Ayon sa Punong Ehekutibo, mahalaga ang papel ng mga guro sa kabila ng pag-unlad ng teknolohiya at artificial intelligence dahil hindi kayang palitan ng teknolohiya ang paggabay ng isang guro sa mga mag-aaral.
Hinimok din ni Pangulong Marcos Jr. ang mga guro na turuan ang mga mag-aaral na maging mapanuri, marunong magpasya, at may malasakit sa kapwa.
Nagpasalamat din ang Pangulo sa mga guro sa buong bansa sa kanilang pagsisikap at dedikasyon.

















