Hinimok ni Senador Risa Hontiveros ang Malacañang na ipatawag si Chinese Ambassador to the Philippines Jing Quan upang iparating ang matinding pagtutol ng pamahalaan ng Pilipinas sa inilabas na AI-generated video ng Chinese state-run media na China Daily.
Sa isang pahayag ngayong Sabado, Hulyo 18, sinabi ni Hontiveros na dapat managot ang China sa aniya’y mapanganib at racist na propaganda laban sa mga Pilipino.
Tinukoy ng senadora ang naturang AI-generated video na naglalarawan umano sa mga Pilipino bilang mga unggoy na animo’y kontrolado ng Estados Unidos at Japan. Kinutya rin umano sa naturang materyal ang 2016 Arbitral Award na pumabor sa Pilipinas at nagbasura sa malawakang pag-aangkin ng China sa mga pinag-aagawang bahagi ng South China Sea, kabilang ang West Philippine Sea.
Mariing kinondena ni Hontiveros ang naturang video at iginiit na hindi dapat maliitin ang mga Pilipino batay sa kanilang nasyonalidad. Tinuligsa rin niya ang paglalarawan sa pagtatanggol ng Pilipinas sa pambansang interes bilang anyo umano ng “colonial subservience.”
Ayon pa sa senador, ang naturang propaganda ay lalo lamang nakasira sa kredibilidad ng China at nagdulot ng pagdududa sa sinseridad nito na mapanatili ang maayos na ugnayan at mutual respect sa Pilipinas.
Sinuportahan din ni Hontiveros ang panawagan ng Department of Foreign Affairs (DFA) na agad alisin ang naturang video at nanawagan sa international community na makiisa sa pagkondena sa aniya’y “reprehensible act.”
Iginiit din ng senadora na nararapat maglabas ng pampublikong paghingi ng paumanhin ang pamahalaan ng China sa mga Pilipino dahil ang naturang aksyon ay paglabag sa pangunahing prinsipyo ng paggalang na dapat manaig sa relasyon ng dalawang bansa.
Binigyang-diin pa ni Hontiveros na ang anumang sigalot sa pagitan ng mga bansa ay dapat lutasin sa pamamagitan ng diplomasya, katotohanan, at pagtalima sa international law, at hindi sa pamamagitan ng propaganda.

















